Sana isang Panaginip na lang

Bakit sa milyong milyong tao sa mundo ako pa ang nakaranas ng ganito? Ang hirap hirap at ang sakit sakit kasi.  Ang pangalan ko ay Joan Casey. Bunso ako sa aming apat na mag-kakapatid. Isip bata ako, palaging umaasa sa Mama ko at mas malapit sa kanya kaysa kay Daddy dahil laging nasa trabaho si Daddy ko at minsan lang sa isang taon kung umuwi. Ako ang klase ng tao na masayahin at palangiti.  Ako yung klase ng tao na kahit gaanong karaming problema nakakangiti pa rin. Ako yung hinding hindi mo makikitang umiiyak sa harap ng madaming tao. Pero nagbago ang lahat ng iyon noong nangyari ang pinaka-malungkot na karanasan sa aking buhay.

            Pebrero noon, napakaraming pangyayari sa aking paligid. Malapit na ang foundation week ng La Salle Lipa, maraming aktibidad sa mga organisasyon kong sinalihan, marami ring mga gawain sa aking klase at ang masama doon ay nasa Ospital ang aking Mama. Pagkatapos ng klase ko ng mga panahong iyon dumidiretso ako sa Ospital para bisitahin si Mama at kamustahin. Pabiro-biro pa kami noon na nagsasakit-sakitan lamang si Mama at nag-ooveracting dahil parati niya iyong ginagawa. Madalas niyang sinasabi kapag nagkakasakit siya na “Dalhin ninyo na ko sa Ospital mamamatay na ako” kahit ordinaryong lagnat lamang ang sakit niya. Kaya minsan hindi na kami naniniwala sa mga sinasabi niya kapag may sakit siya.

            Habang lumilipas ang panahon hindi na ako pinapupunta sa Ospital at kahit sinasabi ko na pupunta ako ay sinasabi na lamang ng mga ate ko na magbantay na lamang ako ng aming tahanan. Ayos lang naman sa akin dahil madalas naman akong naiiwan magisa sa bahay at ako na rin ang naghuhugas ng pinggan at nagpapakain ng aso. Isang gabi ng mga araw na iyon, araw ng huwebes, tumawag si Mama sabi niya sa akin “Casey, Bantayan mo ang bahay ah.” Hindi ako masyadong nagsalita dahil nasa harap ako ng kompyuter noon. Nag-oo lamang ako, nag-bye bye at sinabi ko kay Mama na pagaling siya. Pagkatapos ng tawag na iyon ay dumiretso na ako sa kama at natulog para sa klase ko ng susunod na araw sapagkat walang gigising sa akin kung hindi ako lamang (Sana’y ako na ginigising ako ni Mama).

            Pebrero 4, akala ko isang ordinaryong araw lamang. Lumipas ang aking mga klase ng hindi ko namamalayan. Tanghali na ng tumawag ang aking Ate at sabi niya pupunta daw sila sa Maynila para ipasecond check si Mama. Nag-okay lamang ako dahil hindi ko naman alam ang ibig sabihin ng ipasecond check. Nagdasal na lamang ako paras a kagalingan ni Mama dahil bigla na lamang akong kinabahan noong mga oras na iyon. Hapon na nasa PE na klase ko ako noon. Sumaglit lamang ako sa banyo para mag-cr at uminom ng tubig sa fountain ng biglang may tumawag sa aking cellphone na umiiyak. Ate ko pala sinabi sa akin na “Casey, Alam mo na ba?” sabi ko hindi bigla na lang akong kinabahan. Humahagulgol na ang aking Ate na nasa telepono sabi niya “Wala na… Wala na si Mama. Kinuha na ni Lord.” Binaba na ni Ate ang telepono, nagulat ako sa sinabi niya hindi ko alam kung papaano ako magrereact noon. Natulala ako hindi ko alam kung ano nangyayari, tapos bigla na lamang na ganoon. Hindi napasok sa isip ko na wala na si Mama, ayaw magregister. Habang naglalakad ako pabalik sa klase tumutulo na ang aking luha. Nagtaka ang aking mga kaklase tinatanong nila ako kung bakit ang sabi ko lang daw “Gusto ko na umuwi! Wala na si Mama… Kinuha na ni Lord.” Pilit akong pinapatahan ng aking mga kaklase lalo na si Carol pero wala talaga. Patuloy pa rin ako sa pagiyak hanggang makarating ako sa aming tahanan.

            Pagdating ko sa aming tahanan kasama ko ang iba kong kaklase na sinamahan at dinamayan ako sa paguwi. Napakaraming tao, lahat alam na kung ano ang nangyari, lahat nagtataka, lahat naghihintay sa kabaong ni Mama at lahat hindi makapaniwala. Sabi nung isang kapit-bahay namin na umiiyak “Imposible! imposible talaga… nakikita ko pa yang si Doray (pangalan ni Mama) nung isang araw pagala gala diyan pangiti ngiti pa at may dalang donut, iuuwi ata sa kanila, inaalok nga ako.” Lahat halos ganoon ang sinasabi at lahat hindi talaga naniniwala. Kahit ako hindi ako makapaniwala. Habang hinihintay namin ang kabaong ni Mama tumahan na ako kahit papaano tinawagan at binalitaan ko na ang aking mga kaibigan na halos parang anak na rin ni Mama sa nangyari. Hindi lahat sila makapaniwala, sabi nila nagbibiro lamang ako. Sabi ko “Sana nga biro na lang.” Pumunta kaagad ang mga kaibigan ko sa amin sabay yakap sa akin at sabay iyak. Nang lumipas ang oras tumigil na kami sa pagiyak naubos na kasi ang luha naming lahat. Nagbibiruan na lamang kami na hindi totoo na babangon si Mama ko sa kabaong at sasabihing “Hoy! Bakit ninyo ako nilagay dito? Buhay pa ako. Buhay na buhay (palabiro kasi si Mama) .”

            Habang nakatambay kami sa sala biglang dumating ang aking panganay na kapatid galing sa Maynila na doon nagaaral. Wala siyang kaalam alam sa mga pangyayari. Hindi niya rin alam na na-Ospital si Mama. Sabi niya pagdating sa may pintuan “Ano ba? Ano bang nangyayari? Ano bang patay na si Mama? Ano ba? Gusto kong Makita si Mama! Nasaan? Nasaan si Mama?” sabay hagulgol sa kuwarto at pilit pinapatahan ng mga Tita ko. Dumating naman ang aking Ate na tumawag sa akin at nag-sabi tungkol kay Mama wala siyang luha mukang naubos na din. Pero kitang kita mo sa kanyang muka na nagkukunyari lamang siya na malakas at kahit anong oras bibigay na ulit siya. Lumipas muli ang konting oras dumating na si Daddy. Nasaksihan niya lahat ng pangyayari at siya yung nandoon nung namatay si Mama. Kitang kita ang pula sa kanyang mata lumapit siya sa akin at sinabing “Anak, ok ka lng?” sagot ko “Daddy, medyo medyo po (hindi pa talaga pakiramdam ko parang nananaginip lamang ako) Si Ate po (panganay kong Ate) hindi pa rin po natahan nasa kuwarto ko po.” Pinuntahan ni Daddy si Ate at pilit ipinapaliwanag kung bakit hindi sinabi sa kanya at kung ano ang nangyari.

            Dumating na ang oras, nandiyan na ang kabaong ni Mama nilagay na sa sala sa taas ng aming bahay. Pumupunta na ang mga tao pagkakita kay Mama umiiyak sila at hindi talaga sila makapaniwala. Napaisip ako papaano pa kaya kaming pamilya ni Mama papaano pa ang magiging reaksyon namin kapag nakita namin ang mga labi ni Mama. Sabay sabay kami nina Ate at ni Daddy sa pagpunta lahat sila napatakip ang bibig sa muka at napaiyak. Ako wala hindi ako umiyak madami kasing tao, ayokong umiyak ayoko kasing makita ako ng mga tao na umiyak. Gusto ko ako yung malakas at ako yung magiging gabay nina Daddy na kaya namin ito kaya namin ito. Kahit ang totoo gusto ko ng umiyak. Umupo ako malapit sa kabaong ni Mama ako ang nagbantay muna ng saglit. Nagdasal ang matatanda sabay napaisip ako na wala na si Mama at napaisip ako na papano na kami. Pumapasok sa isipan ko ung mga dapat gagawin pa lang namin kasama si Mama tulad ng pagpunta sa ibang bansa at patotour, ung gusto niya sa kaarawan niya at ung mismong nandoon siya sa debut ko katulad ng nandoon siya sa mga debut nina Ate kapag wala si Daddy. Nung pumasok lahat sa isip ko iyon tumula na lamang ang aking mga luha na pilit kong pinipigil pero ayaw talagang tumigil.

            Si Ate na ang magbabantay. Pumunta na ako sa kuwarto ko at ako ay matutulog na dahil sa sobrang pagod at lungkot. Hindi ako makatulog sa sobrang kakaisip kung panaginip lang ba ang lahat. Naiiyak na naman ako, nagdasal ako sabi ko “Sana Lord panaginip lang lahat ng ito. Sana Lord pagkagising ko bukas nandiyan pa rin si Mama may nakahanda ng agahan para sa aming lahat, na parati niyang ginagawa. Sana Lord nandiyan pa rin si Mama bukas ng umaga para gisingin ako at abutan ng baon.” Pagkatapos ko magdasal nakatulog na ako. Paggising ko walang gumising sa akin at pumunta akong kusina walang luto ni Mama. Nandoon si Tita sabi kumain na daw ako ng sopas na luto para sa mga bibisita kay Mama. Nalungkot ako at napaiyak sabi ko “Hindi pala, hindi pala panaginip… Sana naging panaginip na lng.”   

            Anim na buwan na ang nakakalipas nang namatay si Mama. Nagbago ang lahat sa paligid ko. Ang dating mga taong hindi ako pinapansin, ngayon kinakamusta ako at ang babait sa akin. Ang mga bagay bagay na nakasanayan ko unti unti ng nagbabago. Ang dating si Mama si Ate na, minsan nakakaasar kasi mas mahigpit pa yung Ate ko kaysa sa Mama ko. Muntik na rin akong hindi makapasok sa kolehiyo kasi walang pambayad hanggang ngayon nanganganib pa rin, dati kasi laging si Mama ang gumagawa ng paraan ngayon si Daddy, si Ate, o si Tita na. Sa ngayon nagdadasal akong maging scholar at makapagtapos. Pero sa totoo lang, hanggang ngayon pinagdadasal ko pa rin kay Lord na sana isa pa rin itong mahabang panaginip na kahit anong oras magigising ako.   

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s